CAINTA, RIZAL-Hindi man nakapunta sa unang pagdinig ang employer ng tatlong manggagawa ng isang pagawaan ng pagkain ng aso sa Rizal, sa kanilang pagkikita naman noong ika-30 ng Enero, nakabalik sa trabaho at tumanggap ng PHP 30,000.00 ang bawat isa sa kanila.
Simula sa unang araw ng Pebrero, balik-trabaho na ang tatlong manggagawa na sina ”James”, 45, ”Nelson”, 50, at ”Davide”, 54, hindi nila tunay na pangalan, sa kanilang dating employer. Lumapit ang tatlong manggagawa sa tanggapan ng DOLE sa Rizal matapos hindi maibigay sa kanila ang buong 13th month pay, kulang na holiday pay, service incentive leave, at separation pay. Ayon sa tatlo, sila ay tinanggal ng kanilang employer nang hindi dumaan sa proseso.
Pagkain ng Aso, Kabuhayan para sa Tatlo
Para kina James, Nelson, at Davide, parte na ng kanilang buhay ang pagawaan ng pagkain ng aso. Mahigit dalawang dekada nang nagtatrabaho sina James at Nelson sa nasabing pagawaan samantalang 21 taon naman si Davide. Ang tatlong manggagawa ang siyang nagrerepack at naglalagay ng mga dog food sa 5-kilo at 20-kilo bags sa pagawaan.
“Depende sa production. Sa loob ng 12 oras, ang 20 [kilo bag], nakakagawa kami ng 1,200 [piraso/bags] kapag 5 [kilo bag], nakakagawa kami ng 3,000 hanggang 4,000 bags,” saad ni Davide.
Sa tagal ng kanilang pagtatrabaho sa nasabing kumpanya, silang tatlo ang ilan sa mga highly skilled employees ng nasabing pagawaan.
Kaya’t gayon na lamang din ang panghihinayang ng may-ari ng pagawaan na bitawan ang tatlo niyang trabahador.
Paliwanag ng may-ari kay SENA Desk Officer Joy Angelyn Z. Parabas, Senior Labor and Employment Officer, nagsimula ang pagkukulang sa mga benepisyo ng mga manggagawa nang indahin ng kumpanya ang epekto ng pandemya. Dumagdag pa ang kakulangan sa suplay ng mais na siyang isa sa mga pangunahing sangkap sa paggawa ng dog food. Depensa rin ng may-ari, hindi rin niya tinanggal ang tatlo.
NLRC na sana
Batay sa naganap na pagdinig, hindi pumayag sa unang inaalok na PHP 25,000.00 na kabayaran ang tatlong nagrereklamo at gusto na sana nilang itaas ang kanilang reklamo sa National Labor Relations Commission (NLRC), ang sangay ng gobyernong tumatayo bilang mataas na korte pagdating sa usapin ng paggawa. Ngunit bago pa man mapirmahan ang referral sa NLRC, kinausap muna ni Engr. Joseph P. Gacosta, OIC-Provincial Head ng Rizal Provincial Office, ang dalawang panig.
Sa pag-uusap na ito, nagkasundo ang dalawang panig sa halagang PHP 30,000.00 bawat isa o kabuuang PHP 90,000.00 at kondisyon na sila ay makababalik sa kanilang trabaho. Bukod dito, nangako rin ang may-ari na ibibigay na rin ang na-delay na 13th month pay ng kanilang mga kasamahan sa pagawaan.
“Ngayon, naayos na. Pati nangako rin iyong may-ari na bibigyan din iyong mga kasamahan namin doon [sa pagawaan],” saad ni Davide.
Masaya naman ang mga manggagawa na bukod sa pagkaaayos nila ng may-ari, maayos din nilang naiparating dito ang kanilang hinanaing.
“Nagka-ayos kami ng may-ari at naiparating namin sa kaniya ang gusto naming maiparating sa kaniya. Masaya kami dahil nagka-ayos na kaming [lahat],” ani Nelson.
Ang SENA o Single Entry Approach ay isa sa mga programa ng DOLE na kung saan nagbibigay ang Departamento ng mabilis at agarang aksyon bilang tugon sa mga reklamong may kinalaman sa paggawa. Naghaharap ang dalawang panig, kalimitan ang mga manggagawa at ang employer, at ang DOLE ang tumatayong tagapamagitan sa dalawang panig.
by:
CHARMAINE D. BAISA
LEO III
FLINT OSRIC T. GOROSPE
Labor and Employment Officer I