Tila suntok sa buwan ang mangarap ng mataas lalo na kung kapos sa pamumuhay, ngunit para kay Amithai V. Templo, mula sa Siniloan, Lalawigan ng Laguna, ay malaki ang pag-asa na makamit niya ang pangarap na maging isang magaling na abogado lalo na at napili siyang magawaran ng scholarship ng isang pribadong kumpanya.
Si Amithai ay pang-apat sa limang magkakapatid. Dahil sa kahirapan ng buhay, labing apat na taong gulang pa lamang ay nagawa niya nang magtrabaho at tumulong sa kaniyang pamilya. Ayon kay Amithai, “Noong nakaraang November 2019 po ay nai-stroke at nagsimula ng manlabo ang paningin ni papa, ang nanay ko naman po ay naghahatid lang ng paninda sa canteen kaya hindi po sapat sa amin ang kinikita ng mama ko. Dahil po dito ay napagpasyahan ko po na magtrabaho bilang taga-repack ng tinapay sa isang bakery malapit sa amin para makatulong at makabili ng aming pangangailangan.”
Noong nakaraang taon, ganap na labing pitong taong gulang ay isa si Amithai sa napasama sa Child Labor Profiling na isinagawa sa Siniloan ng DOLE Laguna Provincial Office. Bilang tugon sa ebalwasyon na nasuri sa kanyang profile ay natanong si Amithai kung ano ang nais niyang tulong mula sa “Needs Assessment” at kanyang nabanggit na gusto niya ng scholarship upang makapagtapos ng pag-aaral. Humingi ang DOLE LPO kay Amithai ng kopya ng kanyang report card at ibang dokumento upang irekomenda sa mga kumpanyang posibleng magbigay tulong o ng scholarship sa pamamagitan ng “referral” na isinagawa rin ng DOLE LPO. Dahil sa magandang grado at katangian na naipamalas ni Amithai sa kanyang pag-aaral ay napili siya ng kumpanyang Asurion Technology Philippines, Inc. na gawaran ng full scholarship grant.
Sa kasalukuyan si Amithai ay isang G-12 HUMSS sa (The) Bridgewater School, Inc. Nais niyang kumuha ng kursong Political Science sa Unibersidad ng Pilipinas o sa Polytechnic University of the Philippines upang matupad ang pangarap niya na maging isang abogado.
Noong ika-3 ng Marso 2023, ay binisita ng DOLE LPO Child Labor Prevention and Elimination Program (CLPEP) si Amithai sa kanyang paaralan upang kumustahin at i-monitor ang estado ng kanyang buhay.
Ayon sa Punong Guro ng kanilang paaralan na si Gng. Fely Ramos, “Bukod sa pagiging aktibo sa klase ay napakaganda rin ng ugali ni Amithai, isang responsable, at napaka mapagkumbaba na bata. Siya rin ay may takot sa Diyos, sa katunayan nga ay nagprisinta pa siya na maging commentator sa ginanap na misa sa aming paaralan.”
Nabanggit din ni Gng. Ramos na si Bb. Templo ay Bise Presidente at aktibong miyembro ng Red Cross Youth sa kanilang paaralan at kamakailan ay boluntaryong tumulong sa mga nasalanta ng Bagyong Paeng at mga napinsala ng sunog sa mga karatig bayan ng Siniloan.
Nakamamangha na sa kabila ng kaniyang pagiging aktibo sa mga ekstra kurikular na gawain ay napanatili niya ang maganda at mataas na grado (93% average) at mapabilang sa mga may Mataas na Karangalan.
Ayon kay Amithai, ang kaniyang paboritong asignatura ay Community Engagement and Solidarity at kasalukuyan silang nagsasagawa ng pananaliksik na may titulong “Level of Awareness and Acceptance on Pfizer and Moderna Vaccine Among Elementary Students in (The) Bridgewater School, Inc.” bilang requirement sa kanilang pagtatapos.
Tila isang panaginip pa rin para kay Bb. Templo ang naganap sa Project Angel Tree noong ika-1 ng Disyembre 2022 na kung saan dito niya natanggap ang sorpresang scholarship handog ng Asurion Technology Philippines, Inc. Saad ni Bb. Templo, “Speechless po [ako] doon sa time na binanggit na po na scholar na po ako, ayun na-iyak na po ako sa unahan.”
Nitong nakaraan February 16, 2023 ay naimbitahan siya na magtungo sa Asurion Technology Philippines, Inc upang mailibot sa buong kumpanya at personal na mai-abot ang kalahati ng kanyang scholarship na nagkakahalaga ng labing tatlong libong piso (?13,000) para sa unang semester.
Ayon kay G. John Joseph Cano,“Ito ay isa lamang paraan ng pagpapakita ng pasasalamat at suporta ng kumpanya sa komunidad na maaaring magresulta ng magandang kinabukasan sa batang napagkalooban ng scholarship at sa kanyang pamilya.”
Para kay Bb. Templo,“Malaking tulong po ito. Natulungan po ako ng sobra kasi may mga time po na hindi kayang ibigay ng parents ko at hindi rin po kaya ng sahod ko yung ibang gastusin sa paaralan.”
Dagdag pa niya, “Malaki po ang pasasalamat ko sa DOLE Laguna Region 4A at sa kanilang programa na nagsilbing tulay upang makilala ako at maging scholar ng Asurion Technology Philippines, Inc. Sobra rin po ang pasasalamat ko sa Asurion dahil sa tulong na ipinagkaloob nila sa akin. Dahil dito ay malaki po ang pag-asa na makamit ko ang aking pangarap at lalo ko po na pagbubutihin ang pag-aaral upang maging isang ganap na abogado at makatulong sa aking pamilya.”
Prepared by:
Raymond R. Ramos
Senior LEO/CLPEP Focal Person
King Mar E. Alvarez
Community Facilitator