Isa sa mga programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) ay ang DOLE Integrated Livelihood Program (DILP). Ito ay naglalayon na matulungan ang mga mamamayang nagnanais na magkaroon ng hanapbuhay. Pangunahing benepisyaryo nito ay ang mga mamamayang hindi nabigyan ng pagkakaton na mamuhay ng masagana at angkop sa antas ng pamumuhay ng karamihan. Lalong lalo na ang mga magulang ng batang manggagawa upang mai-alis ang kanilang mga anak sa trabahong hindi pa dapat ginagawa ng isang batang musmos.
Sa pagbubukas pa lang ng taong kasalukuyan, simula buwan ng Pebrero ay nakapagsagawa na ng anim (6) na DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) Orientation ang DOLE Laguna Provincial Office sa mga munisipalidad ng Lalawigan ng Laguna. Ginanap ang mga ito sa iba’t ibang patrol base na matatagpuan sa probinsiya; Duhat Patrol Base (Cavinti), Tayak Patrol Base (Rizal), Cueva at Parang ng Buho Patrol Base (Sta. Maria), Bukal Patrol Base (Kalayaan), at Piit Patrol Base (Majayjay).
Ang nasabing mga oryentasyon ay dinaluhan ng isang daan at walumpu’t tatlong (183) benepisyaryo na mga manggagawa mula sa impormal na sektor at mga magulang ng mga batang manggagawa na umaasang magkakaroon ng magandang pagkakakitaan. Mula sa bilang na ito, siyam (9) ang mga dating rebelde na nagbalik loob sa gobyerno, habang tatlumpu’t tatlo (33) naman dito ay napag-alamang mga magulang ng batang manggagawa. Isa na dito ay si Maria Delia Faustino, limampu’t limang (55) taong gulang, kung saan ang kaniyang anak ay nasuri bilang isang child laborer na natulong sa pagsasaka habang siya ay nangangatulong.
Ayon kay G. Faustino, “Para sa isang inang may magandang pangarap sa anak, itong programang ito ay lubos na malaking tulong para sa aming pamilya na kumikita lamang ng kakarampot na halaga sa isang araw.” Kaya ang kaniyang anak, sa murang edad ay naisip nang tumulong sa pamamagitan ng pagsasaka. Upang makapag-ipon at makapagsimula ng bagong negosyo, ay hiniling niya ay Sari-sari Store mula sa programa ng DOLE.
Para naman kay alyas “Trining”, isang dating rebelde, “Kung sakaling mapagkakalooban po kami ng pagkakakitaan ay isang malaking tulong po ito sa amin na bumabawi sa buhay bilang isang dating kaanib ng kabilang partido. Para na rin po ito sa mga anak naming nag-aaral upang sila ay makapagtapos at magkaroon ng magandang trabaho at kinabukasan”.
Nitong nakaraang ika-17 ng Marso, taong kasalukuyan, ay isinagawa ang huli sa anim na oryentasyon na ginanap sa Piit Patrol Base Brgy. Piit, Majayjay, Laguna na dinaluhan ng dalawampu’t siyam (29) na benepisyaryo na karamihan ay mula na rin sa munisipalidad ng Majayjay. Sa kabuuan, may animnapung (60) humiling ng negosyo na Bigasan, walumpu’t pitong (87) Sari-sari Store, dalawampu’t dalawang Frozen Business, at may labing isang (11) iba pang pagkakakitaan.
Katuwang ng DOLE LPO upang maisakatuparan ang mga oryentasyon at pagbibigay tulong pangkabuhayan sa mga benepisyaryo ng livelihood ang mga Public Employment Service Officer ng bawat munisipalidad, 202nd Infantry Brigade Philippine Army of Laguna at iba pang ahensya ng gobyerno.
Inihanda ni:
Raymond R. Ramos
Senior LEO/DILEEP Alternate Focal