Press Releases
Mahigit P400,000 Naibigay sa mga Manggagawa ng Aldrew & Althea Footwear


Larawan mula sa Raffy Tulfo in Action Facebook page sa DOLE-Rizal Provincial Office

Matapos ang naganap na pagdinig noong ika-anim ng Agosto sa DOLE-Rizal Provincial Office sa harap ni OIC-Head Marivic B. Martinez, nagkasundo ang 15 manggagawa ng Aldrew & Althea Footwear at ang may-ari nito na si Althea Santos upang mabayaran ang mga nasabing manggagawa ng kanilang kulang na pasahod, overtime pay, holiday pay, at 13th month pay na ipinagkait sa kanila ng kanilang employer sa loob ng ilang taon. Tinatayang kulang 400,000 piso ang naibigay ni Santos sa kaniyang dating mga trabahador.

Ang 15 mangaggawa, sa pangunguna ni Roel Percha, ay lumapit sa Rizal Provincial Office upang ireklamo ang kanilang employer dahil sa hindi pagbibigay ng tamang pasahod. Ayon sa mga manggagawa, nakakatanggap lamang sila ng PhP 220.00 sa loob ng 12 oras nilang pagtatrabaho sa nasabing tindahan. Ayon sa Region IV-A Wage Order No. 18, ang minimum wage sa lungsod ng Antipolo, kung saan matatagpuan ang nasabing tindahan, ay nasa PhP 373.00. Bukod sa nasabing kulang sa pasahod, hindi rin sila nakatatanggap ng overtime pay para sa 12 oras nilang serbisyo, holiday pay, at 13th month pay. Hindi rin sila sakop ng iba pang benepisyo tulad ng SSS, PhilHealth, at Pag-ibig.

Nagkaroon ng maayos na dayalogo ang dalawang panig at nakitaan sila ng kagustuhang makapag-ayos. Ang bawat isang manggagawa ay nakatanggap ng PhP 8,000 hanggang PhP 50,000 na settlement fee o PhP 380,000 na kabuuang halaga ng settlement fee mula sa kanilang employer.

Naunang lumapit ang grupo sa isang programa sa TV5 na Raffy Tulfo in Action ng batikang mamamahayag na si Raffy Tulfo. Sinamahan ng kaniyang team ang nasabing grupo upang pormal na makapaghain ng reklamo laban sa Aldrew & Althea Footwear ang mga manggagawa noong ika-31 ng Hulyo at naresolba sa isang paghaharap noong ika-6 ng Agosto 2019.

by:


CHARMAINE D. BAISA
LEO I

[Back]
[Print]
2019-09-05
Director's Corner
Welcome to the official website of the Republic of Philippines' Department of Labor and Employment in Region 4-A CALABARZON.
Contact us:
Name

Your Email

Title/Subject

(Maximum characters: 50)
You have characters left.

Your Message

(Maximum characters: 300)
You have characters left.